Kadalasa'y napapanaginipan ko ang aking ama sa loob ng isang sasakyan kung saan siya ang nagmamaneho.
Kay linaw pa ng aking mga alaala noong kami'y maglalakbay sa kung saan-saang mga lugar, minsan maiikli, minsan mahahabang oras sa kalsadang dati-rati'y hindi naman naaantala ng matinding pagsikip ng mga kalye tulad ngayon sa Maynila.
Maliit pa lamang ako noon, isinasakay na niya ako sa harapan, tangan ko ang mumunti kong bag, at ang batok ko'y namumuti pa sa pulbos na dumikit sa Johnson's Baby Cologne na ipinahid ng nanay ko. Isasaksak na niya ang cassette tape ni Julio Iglesias at kami'y lalarga na papuntang Caloocan, Montalban, Quezon o sa palengke sa pagitan ng Navotas at Malabon. May mga panahon ding iiwan namin ang kotse sa Cubao at mula roo'y papapasahe na kami sa bus o di kaya'y lalakarin na lamang ang aming patutunguhan.
Hindi ko maipaliwanag ang tuwa ko sa tuwing sasamahan ko siyang lumabas at sisimulan ang aming pakikipagsapalaran. Natuto akong manatili sa aking upuan kahit masakit sa leeg ang seatbelt, tumanaw sa bintanang bahagyang bukas upang malanghap ang sariwang hangin, makinig sa lumang tugtugin, at higit sa lahat, makinig sa kanyang mga salaysay.
Ni minsan ay di ko nakitang mawalan ng direksiyon ang tatay ko kapag nagmamaneho siya. Palagi siyang sigurado sa daan, at kung maiba nang kaunti ay nalalaman niya kung saan lulusot ang bawat eskinita. Kung malibang man siya sa pag-iisip, itutuloy na lamang niya ang panibagong daan at mararating din namin ang kalsadang kabisado niya. Hinding-hindi siya aaming nawala siya sapagkat nahahanap din naman niya ang daang pabalik; sisipol na lamang siya at magmamane-obra patungo sa highway. Dahil dito'y natutunan ko rin ang mga pasikot-sikot sa iba't-ibang lugar, na nakatulong noong ako na mismo ang nagmaneho sa paglaon.
Ang nakapagtataka rito'y hindi niya ako tinuruan magmaneho. Ang dahilan niya'y mabilis uminit ang kanyang ulo at wari niya'y hindi matatapos ang leksiyon sa dami ng beses niya akong kakagalitan. Subalit sa paglipas ng panahon, ako rin ang pinagkatiwalaan niyang humawak ng kanyang sasakyan kapag kinailangan kong hiramin ito.
Nang dinatnan na siya ng karamdaman, isa sa mga pinakadinaing niya'y ang makapagmanehong muli. Makailang beses din niyang patakas na dinala ang kotse nang walang paalam kahit para lamang pumunta sa botika, maramdaman lamang ang kakayahan niyang humawak ng manibela. Bagaman at halos pumutok na ang puso ko sa kaba sa tuwing mangyari iyon, may idinulot ding kaluwagan ng loob na naroon pa rin ang matapang at matatag na diwa ng tatay ko sa kabila ng kahinaan ng kanyang katawan.
Marahil, kaya ko napapanaginipan siyang nagmamaneho ay dahil naikintal na sa aking isipan ang kaniyang katatagan, na siyang pinaghuhugutan ko ng lakas at kaliwanagan sa mga pagkakataong nararamdaman kong ako'y naliligaw. Ipinapahiwatig niya sa aking hindi niya ako pinababayaan, at kung mangyari man na ako'y malito, kinakailangan ko lang mag-maneobra at hanapin ang tunay na daan na tiyak na matatagpuan ko sa susunod na kanto. Kinakailangan ko lamang manalig sa aking mga kakayahan, sumipol at huwag kaliligtaang may matututunan sa bawat daang tatahakin.